Monday, August 23, 2010

Warriors, di nakapalag sa bagsik ng Tigers!

Tatlong sunud-sunod na tirada ang pinakawalan ng UST Growling Tigers guard na si Jeric Teng sa huling dalawang minuto ng kanilang laban kahapon upang pauwiing luhaan ang UE Red Warriors,80-67, sa UAAP Season 73 na ginanap sa Araneta Coliseum.

Nagulantang ang Red Warriors sa pagbulusok ng Growling Tigers pagdating ng ika-apat na yugto nang maka 6-0 run ang UST at malimitahan ang UE sa 12 puntos dahilan na rin sa kanilang pisikal na depensa.

"Hindi pa tapos ang laro hanggang hindi pa nauubos ang oras!" ani UST Growling Tigers Head Coach na si Pido Jarencio sa presscon matapos ang laban.

Diniktahan ng Tigers ang unang tupi ng laro sa pangunguna ni Clark Bautista na hindi nagmintis sa 3/3 shooting sa 3 point distance at nakadagdag sa 17-12 na pagtapos ng UST sa unang yugto.

Pansamantalang naagaw ng Red Warriors ang kalamangan matapos ang ikalawang kanto ng laro 31-29 ngunit nahirapan ng lumamang pa muli pagdating ng second half.

"We fought until the end and never gave up! This game will surely be a lesson for us despite our defeat" sagot ni UE guard Kenneth Acibar nang matanong ukol sa kinahinatnan ng laro.

Pinilit dumikit ngg Red Warriors sa Tigers sa second half sa pangunguna ni Kenneth Acibar sa kanyang walong puntos ngunit hindi na tumalab pa pagdating ng 4th Quarter.

Kuminang si Jeric Tang sa huling dalawang minuto ng laro sa kanyang 7 puntos na nakapagpalobo ng lamang ng UST sa labing tatlo upang tapusin ang laban sa 80-67.

Nagtala naman ang Tigers ng 15 turnover points at 48 points in the paint kontra sa 12 at 28 ng UE.

"My shots went in when we needed it the most" sabi ni Jeric Teng na naging malaking tulong sa UST upang makamit ang ika-limang panalo sa loob ng pitong laro.

Pumuntos naman si Red Warriors guard Kenneth Acibar ng 17 puntos na losing effort upang madagdagan ang panalo ng UE sa kumpetisyon.
P-Noy, pag-asa ng mga Pinoy

Benigno"Ninoy"Aquino,Former President Corazon C. Aquino at Kris Aquino. Ilan lamang sila sa mga tanyag na personalidad na dumadagdag sa kasikatan, karangyaan at respeto na tinatamasa ngayon ng ating ika-labinlimang pangulo ng Pilipinas, Benigno Simeon Cojuangco Aquino III o mas kilala sa tawag na "Noynoy".

Mula sa pagkakapanalo sa kakatapos lamang na halalan noong ika-sampu ng Mayo bilang presidente ng bansa, isinaad ni P-Noy ang kanyang mga plataporma at nagbitaw ng mga salitang "May pag-asa pa ang Pilipinas", sa kanyang State off the Nation Address nitong Hulyo 30, 2010.

Pinagtuunang pansin ng pangulo sa kanyang talumpati ang pagpapaalis ng mga "corrupt" sa gobyerno dahil daw dito nagsisimula ang problema ng kahirapan sa Pilipinas. Partikular niyang sinambit ang mga " midnight appointees" na itinalaga ng nakaraang administrasyon sa pamumuno ni Gloria Macapagal Arroyo.

Dagdag pa ng bagong presidente, "Kapag walang corrupt, walang mahirap!". Ito na nga siguro ang karaniwang laman ng isip niya pagdating sa usaping korapsyon.

Hindi rin kinalimutan ni NoyNoy ang mga lupaing pansakahan sa Pilipinas. Dahil sa maliit na atensyon ng pamahalaan sa mga suliraning may kaugnayan sa agrikultura, kaliwa't kanan tuloy na mga shortage ang nangyayari, dahilan upang maggutom ang pamilya ni Juan.

Napapansing sa pagtagal ng panahon, ilang taon na ang lumipas, ilang presidente na ang nanungkulan ay hindi parin nalulutas ang kalunus-lunos na kahirapang tinatamasa ng mga Pilipino.

Karamihan naman ng mga Pilipino na nakasama sa survey ng JCSGO Christian Academy sa nakaraang taon ay botong-boto kay P-Noy bilang maging presidente natin sa ngayon, patunay lamang na ang kabataan na pag-asa ng bayan ay nagtitiwala sa kakayahan ni NoyNoy.

Hindi pa man natin makita ang kabuuang plano niya sa ating bayan ay isaisip nawa natin na ang pagbabago ay hindi lamang nasa iisang tao sa halip, ang tunay na pag-asa ay nasa ating lahat, mga Pilipino. Si P-NOY ay isang halimbawa lang ng dapat nating tularan at kapag naisagawa natin ito'y paniguradong wala ng maghihirap na Pinoy.
Texters, panis sa Aces


Ni Leandre Bullet Sarte
Associate Editor - Filipino


Hindi nagpakita ng senyales ng panghihina ang Alaska Aces matapos bumalik sa laro pagdating ng ikatlong yugto ng laro kontra Talk and Text Tropang Texters, 104 - 88, kagabi sa kanilang PBA semifinals series Game 1 sa Araneta Coliseum.


Galing sa isang malaubos-kukong laro ang Aces sa Ginebra Kings noong Linggo ngunit sa kabila nito'y hindi nakitaan ng pagkapagod ang koponan ni Tim Cone.


Biglang nag-init ang veteran Alaska forward na si Reynel Hugnatan sa ikatlong kanto at tumapos ng may 16 points sa 7-of-9 field goal shooting.


"We just want to send them a message," ani Hugnatan.


Nagkaroon ng palitan ng puntos ang dalawa buong laro ngunit mas nanaig ang Aces dahil na rin sa double-digit scoring ng limang Alaska players.


Pinamalas ng Aces at ng Tropang Texters ang kani-kanilang team games at halos dikit pagkatapos ng unang tupi ng laro, 26 - 20, para sa Talk N' Text.


Hindi umurong ang dalawa at ipinagpatuloy ang palitan ng lamang pagdating ng ikalawang hati ng laro ngunit lamang pa rin ang Texters, 46 - 42.


Unti-unti namang ibinaon ng Alaska ang Talk N' Text sa fourth quarter sa likod ni Hugnatan upang tuluyan nang manaig, 104 - 88.


Pinangunahan ni Ranidel de Ocampo at Mac Cardona ang Texters nang magsama sa 37 puntos sa kanilang losing effort.
Lights, Camera... Kongreso?


Ni Leandre Bullet Sarte


Manny Pacquiao, Lucy Torres-Gomez at Lani Mercado. Ilan lamang sila sa mga bagong-halal na mga kongresista. Ngunit ang tanong ng karamihan, "Sapat na ba ang kasikatang natamo upang maupo sila sa Kongreso?"


Unahin na natin ang pambansang kamao na si Pacquiao, isa sa mga pinaka-pinagpipitagang boksingero sa mundo dahil sa angking galing sa lona. Nakilala din sa kanyang pamatay na left hook na nagpatumba na ng madaming Mehikano.


Ang tanong, "Magamit niya kaya ang lakas ng kanyang kamao sa pagsisimula ng mga sesyon sa Kongreso?"


Sa isang survey na isinagawa ng JCA Ignite sa high school department, halos 70% ang nagsabing makipaglaban siya kay Floyd Mayweather at halos isa sa sampu lamang ang umayong sumabak siya sa maduming mundo ng pulitika. Ito ay isang malaking patunay na ang kabataan, na itinuturing na "pag-asa ng bayan," ay walang nakikitang magandang dahilan para si Pacman ay pumasok sa pulitika.


Tignan naman natin sina Torres-Gomez at Mercado. Nagnininging ang kagandahan ng dalawa sa harap at likod ng kamera at nakilala sa husay sa pag-arte. Hindi kaya sila naman ay umarte lamang pagpasok sa Kamara?


Hati ang mundo ng showbiz ukol sa pagpasok sa pulitika ng dalawa. Ang iba ay nagsasabing maganda ito upang makatulong sa bayan. Samantala, ayon naman sa iba, dapat ay magpatuloy na lamang ang dalawa sa pag-aartista at wag ng suungin ang magulong mundo ng pulitika.


Karamihan sa mga bagong halal na kongresista ay walang magandang background sa pulitika. Sinagot naman nila ito sa pamamagitan ng pagkuha ng three-day course para sa mga mahalagang punto ng pagiging mambabatas.


May karanasan man o wala, dapat pa rin nating tignan ang layunin, adhikain at plataporma ng mga kongresistang ito para sa ikabubuti ng Pilipinas.


Gaya ng kasabihan, "Don't judge a book by its cover." At sa panahong ito, wala tayong karapatang husgahan sila dahil sa kanilang pagkakakilanlan.

Tuesday, June 22, 2010

Leandre Bullet P. Sarte IV-Glorious
Assignment # 1

Harapin ang mga Hamon

Ngayong ika-apat na taon ko na sa hayskul, marami ang nagtatanong kung bakit ako sumali sa Journalism Class. Lalo na at ako’y isang varsity at matalino daw sa pag-aaral. Tanong sa akin ng marami, kakayanin ko daw bang pagsabay sabayin ang lahat ng iyon? Lalo na daw at sumali ako sa pinakamatrabahong klase sa hayskul. Isa lamang ang aking naisasagot pag tinatanong nila sakin ang mga nabanggit. “Gusto ko ng mga Hamon!” ang karaniwang tugon ko sa mga tanong nila sakin.

Bakit nga ba ako nandito sa klaseng ito? Unang una ay gusto kong maipakita sa lahat na kaya kong sumulat ng mga makabuluhang artikulo. Pangalawa ay gusto ko ring makita kung kakayanin ko bang pagsabay sabayin ang iba’t-ibang gawain upang maihanda ko ang aking sarili sa pagtungtong sa kolehiyo. Ikatlo ay nais ko ring mapatunayan na wala yan sa mga nakapaligid sayo, lalo na kung gusto mo talaga ang ginagawa mo. Ikaapat ay nais ko rin malaman kung hanggang saan lang ang mga limitasyon ko bilang studyante. Kung kakayanin ko nga ba ang lahat ng ito o aatras ako pagdating ng panahon. Huli ay upang madagdagan ang kaalaman ko sa mga pangyayari sa mundong ito na hindi nakikita ng bulag kong mga mata.

Unahin natin ang una kong dahilan kung bakit ako nandito. Bakit nga naman ako papasok dito sa klaseng ito kung wala sa isipan ko ang sumulat? Sa tuwing nakikita ko ang mga artikulo na isinusulat ng mga kaklase ko ay laging dumadalaw sa isip ko na kaya ko rin naman ding sumulat ng ganyan! Hindi ko rin kasi hilig ang magbasa ng mga pahayagan kaya ito ay isa na ring daan upang mahilig ako sa pagbabasa ng mga pahayagan.

Ikalawa ay ang pagnanais kong maramdaman kung ano nga ba ang pwedeng mangyari kapag nasa kolehiyo na ako. Sa nakikita ko sa aking ate na nasa kolehiyo na ay parang hindi nya kaya ang mga pinapagawa sa kanila lalo na kapag pinagsabay sabay na. Ngunit nakikita ko sa kanya ang pagpilit na magawa ang lahat ng ito at hindi lamang magawa kundi magawa ng mahusay at kahanga-hanga. Dahil sa kanya ay gusto ko ring maging ganun pagdating ng araw.Wala nga naming imposible kung gusto mo dahil laging may paraan.


Ikatlo naman ay upang mapatunayan sa lahat na kahit bago ang kapaligirang ginagalawan ko. Lalo na sa klaseng ito na tatlo lamang kaming lalaki at halos lahat ay mga kababaihan na. Sabi nila ay mahihirapan daw ako dahil doon ngunit kung gusto mo naman talaga ang ginagawa mo ay hindi mo na mapapansin ang nasa paligid mo.

Ikaapat ay gusto kong malaman hanggang saan ang kakayanin ko. Kung aayaw ba ko sa mga gawain pag nagsabay sabay na ito? Kung sa pagdating ng araw ay uurong na ko sa klaseng ito. Gusto ko lang talagang makita ang dulo ng limitasyon ko at matugunan ang mga problema tungkol dito.

Huli ay ang kagustuhan kong madagdagan ng kaalaman ang aking isipan upang sa pagtungtong ko sa kolehiyo ay maging madali na sakin ang mga katanungang may kinalaman sa pinag aaralan ko dito sa klaseng ito. Lalong lalo na sa mga nangyayari sa kapaligiran ko na alam kong ditto ko lang malalaman ang tunay na istorya.
Leandre Bullet P. Sarte
IV-Glorious
Assignment #2

Department of Education sige sa Sex Education

Sa mga nakaraang buwan ay naging usap-usapan sa ating bansa ang paglulunsad ng Department of Education ng “Sex Education” upang maging isang subject sa mga pampublikong paaralan. Kapag naririnig ito ng ibang mga magulang at mga estudyante ay para bang mga nag-iingay na mga bubuyog dahil na rin sa pagkamalisyoso.

Sa bansang Pilipinas, nakagisnan na natin sa ating kultura ang pagiging mahinhin ng mga kababaihan at pagiging maginoo naman sa kalalakihan. At kapag napag-uusapan noon ang “sex” ay para lamang ito sa mga matatanda at di dapat marinig ng mga bata. Ngunit nakalulungkot mang isipin na ang nakagisnang kultura ay unti-unti nang nawawala dahil sa mga nakalipas na taon ay batid natin na lahat talaga ay nag-iiba.

Karamihan sa mga musmos na nakikita ko sa tuwing ako ay uuwi ay nagmumura, nakikipag-away at ang pinakamalala ay nakikipag-sigawan sa mga kalaro nila gamit ang mga salitang may kaugnayan sa “sex”. Kitang-kita na kung walang tamang pagpapatnubay ng mga magulang ay maaring masira ang mga buhay ng kabataan sa henerasyon natin.

Hindi tayo maaaring magbulag-bulagan na walang problema sa populasyon ng bansa natin dahil saan ka man lumingon ay kitang kita ang dami ng mahihirap na patuloy na naghihirap at mga iskwater na talaga nga namang masakit sa mata ng tao.

Karamihan sa mga dahilan ng paglobo ng populasyon natin ay ang di mapigilang pagdami ng mga pabata nang pabatang mga kababaihang nagdadalang tao dahil sa “premarital sex”. Kung matagal na sanang may “Sex Ed.” sa Pilipinas ay malamang ngayon ay di tayo nagsisiksikan sa 7,107 na islang ipinagkaloob sa atin.

Hindi natin maipagkakaila na ang populasyon natin ay may kaugnayan sa kahirapang tinatamasa ni Juan Dela Cruz. Hindi na rin tayo mga isip batang magsisibulungan at magiging sensitibo sa usaping “sex”. Sana ay mawala na sa mga isip natin ang malisya sa usaping ito.

Simple lamang ang gusto ng Dep Ed.at kahit kailanman ay wala silang balak na turuan tayong makipag-sex. Nais lamang nilang maimulat ang mga nakapiring nating mga mata sa matinding problema sa populasyon na kung hindi maaagapan ay hihila sa atin pababa ng hagdang pinipilit nating akyatin.
.